Page

Ang Kasaysayan ng Iglesia Filipina Independiente (Philippine Independent Church)

Rebulto ni Gen. Mariano Alvarez
sa Simbahan ng Aglipay Noveleta
IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE , MALAYANG SIMBAHAN, SIMBOLO NG ATING KALAYAAN. Ang kasaysayan ng IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE (Philippine Independent Church ay kasaysayan ng Pilipinong naghahangad ng kalayaan at ng sambayanang naghahanap  ng isang buhay na may kaganapan. Ang mga pag-aaklas  sa panahon ng pananakop ng Kastila ay nagpapatunay lamang na ang mga Pilipino ay naghahangad na mapatalsik hindi lamang ang kolonyal na pamahalaan kundi pati na rin ang pagbibigay wakas sa pamamahal ng mga dayuhang prayte.

Habang nagdurusa ang mga tunay na mamamayan sa Pilipinas, may tinatawag na "Polo", na kung saan ang mga kalalakihan na nasa edad na ay kailangang magtrabaho na parang alipin sa loob ng 40 araw. Ang "Vandala" naman ay puwersahang pagbebenta ng mga kalakal sa pamahalaan. At sa relihiyon na ginagamit na sandata ng panakop ng mga dayuhan , ang mga mamamayan ay walang karapatang mamahala o makialam sa simbahan.

Taong 1832, itinatag ni Apolinario dela Cruz o Hermano Pule ng Tayabas ang Cofradia de San Jose, matapos pagbawalan siyang maglingkod sa Simbahan. Dahil sa mabilis na paglaki ng Cofradia at pagtanggi ni Hermano Pule na bayaran ang mataas na singil sa misang pasasalamat, nagalit ang mga prayle. Noong 1841, hinuli sya at binitay. Pinagputul-putol ang kanyang katawan upang hindi na tularan ng iba.


Isang paring Filipino naman si Padre Pedro Pelaez ng Katedral ng Maynila , ang nanguna sa tinatawag na "Secularization Movement". Taong 1849 nang iprotesta  niya ang pagsasamantala ng mga prayle  sa mahigit na 700 mamamayang parokya.


Nang yumao si Padre Pelaez noong 1863, ipinagpatuloy nina Padre Gomez, Padre Burgos, at Padre Zamora ang pagtatanggol sa karapaan ng mga Paring Filipino. Ang kanilang mga gawain ang nagtulak sa mga prayle at guardia civil na idawit sila sa pag-aaklas ng militar sa Kabite. Sa harap ng publiko, binitay sa pamamagitan ng garote ang tatlong pari noong Pebrero 17, 1872 upang maghasik ng takot at pigilan ang mga paring Pilipino.


Sa loob ng ilang taon, ipinagpatuloy at pinaigtingpa ng mga Ilustrado  ang pakikipaglaban para sa reporma, Marami sa kanila ang ginipit kaya't nangibang-bayan. Doon ay nagpalawak sila ng kaalaman upang magamit sa paglilingkod sa bayan. Itinatag ang kilusang propaganda para humingi ng reporma mula sa Espanya subalit ito ay nabigo.


Kaya't noong Hulyo 07, 1892, pinangunahan ni Andres Bonifacio  ang pagtatatag ng Katipunan. Iba na ang layunin ng kilusang ito. "Panahon na upang mapatalsik ang mga dayuhan, panahon na upang mapalaya ang Inang Bayan!" pahayag ni Bonifacio.


Nang matuklasan ang Katipunan at maganap ang unang sigaw ng mga nag-aaklas, mabilis na kumalat ang himagsikan . Dahil dito, marami pang Pilipino, mayaman man o mahirap ang ipinatapon sa ibang bansa, ikinulong o binitay.


Kabilang na rito si Isabelo Delos Reyes o Don Belong na nadawit at isa umano sa nagpasimuno sa Katipunan. Siya ay hindi katipunero pero isa siya sa mga nagsulat upang ilantad ang kabuktutan ng mga kastila, ikinulong sa bilibid ng limang buwan si Don Belong at pagkatapos, itinapon siya sa Barcelonana may kadena ang mga paa. Marami ring mga pari ang hindi nakaiwas sa paghihinala ng militar at mga prayle, marami sa kanila ang pinarusahan.

Sa gitna ng sagupaan, isang pari mula sa Batac , Ilocos Norte ang buong giting na lumaban, siya si Padre Gregorio L. Aglipay. Taong 1881 nang payuhan siya ni Dr. Jose Rizal  na pumasok sa seminaryo upang magpari imbes na abogasya upang ipagtanggol ang mga Paring Pilipino.

Marso 1897 naman ng itinatag niya ang lokal na katipunan sa Victoria, Tarlac bilang isang Katipunero at tinawag itong "Liwanang".

Noong ika-13 ng Setyembre 1898, itinatag ang Malolos Congress na kung saan siya ang nag-iisang pari na kasama sa pag-susulat ng Saligang Batas. 

Sa rekomendasyon  ni Apolinario Mabini, si Padre Aglipay ay hinirang ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang Vicario General Castrence upang pamunuan ang simbahan sa panahon ng rebolusyon noong Oktubre 20, 1898.

Oktubre 22, 1899 naman ng ipinalabas ni Mabini ang manipesto ng organisayon dela Claro Filipino. Hinimok naiya ang mga kaparianna magtatag ng isang Pambansang Simbahang Pilipino na dapat pangunahan ni Aglipay.

Subalit lumalala ang digmaan sa pananakop ng mga Amerikano kaya't hindi natupad ang hangaring nito.  Samantala, matapos mapalaya si Don Belong sa isang kulungan sa Espanya, kinatawan niya ang mga paring Pilipino sa bigong pakikipag-usap sa Papa na hinihiling sa Pilipinasasyon ng simbahan.

Dahil sa maraming bigong negosasyon, isinulat ni Don Belong sa kanyang pahayagang Filipinas Ante Europa, "Sobra na ang Roma... Dapat na tayong magtatag ng walang pasubaling isang Pilipinong Simbahan. Pananatilihin natin ang lahat ng maganda sa Simbahang Romano habang tatanggalin ang mga panlilinlang na ginamit ng mga imbing romano para malihis ang tunay na moralidad at ang doktrina ni Kristo!".
Mga tagapagtatag ng Iglesia Filipina Independiente
(photo credit to IFI Noveleta)

Kaya't noong Agosto 03, 1902, araw ng linggo, sa gitna ng masungit na panahon sa pagpupulong sa Centro Bellas des Artes ng pangkalahatang konseho ng Union Obrera Democratica . Ipinahayag ni Don Belong ang pagtatag ng IGLESIA FILIPINA INDEPENDIENTE. Ito ang sigaw ng mga manggagawang Pilipino. Ilan sa mga prominenteng tao ang naroon tulad nina Apolinario Mabini, Hen. Pio del Pilar, Hen. Miguel Malvar, Hen. Baldomero Aguinaldo, Hen. Pascual Alvarez, Hen. Mariano Riego de Dios, Rafael Palma, Vicente Sotto, Ladislao Diwa, Aurelio Tolentino, Valentin Diaz at marami pang heneral ng rebolusyunaryo at makabayang Pilipino.

Bagamat wala si Padre Aglipay, siya ang napili upang pamunuan ang Malayang Simbahan.

Ang malayang simbahan ay mabilis na lumagnap sa buong Pilipinas. Sa bayan ng Noveleta, ito'y pinangunahan nina Hen. Mariano Alvarez, Hen. Santiago Alvarez at Hen. Pacual Alvarez. Ang kanilang pagmamahal sa bayan ay kinasangkapan din ng Diyos upang isilang ang simbahang matagal ng inaasam ng mga Pilipino.

Pro Deo et Partia! Para sa Diyos at Bayan!




No comments:

Post a Comment