Heneral Luciano San Miguel

Joel Costa MalabananBanlawKasaysayan
GEN. LUCIANO SAN MIGUEL HIGHWAY
Sanaysay ni Joel Costa Malabanan (mula sa banlawkasaysayan.multiply.com)
Matagal na panahong itinago sa atin ng kolonyal na edukasyon ng mga Amerikano ang kabayanihan ng maraming Pilipinong nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan. Inakala ng maraming Caviteño na si Gen. Emilio Aguinaldo na ang pinakadakilang bayaning naimbag ng lalawigan ng Cavite sa ngalan ng pakikipaglaban para sa kalayaan. Bukod kay Gen. Julian Montalan at Col. Cornelio Felizardo, isa sa dapat nating dakilain at bigyan ng wastong pagkilala at pagdakila ay si Gen. Luciano Sa Miguel.
Noong Ika-28 ng Marso, 1903, kasama ang may 200 tauhan ay nagbuwis ng buhay si Gen. Luciano San Miguel sa madugong sagupaan sa Corral na Bato, Antipolo, Rizal laban sa pwersa ng mga mananakop na Amerikano na sinuportahan ng mga sundalong Macabebe. Marangal na nakipaglaban si Gen. San Miguel at pinatunayan ang kanyang pagiging tunay na Katipunero hanggang sa huling patak ng kanyang dugo (“Bandoleros” ni Ochosa p.45)
Kabaliktaran naman ito nang ginawa ni Gen. Emilio Aguinaldo na matapos mahuli ng mga Amerikano noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela (sa tulong rin ng mga sundalong Macabebe ) ay agad nangampanya sa mga rebolusyunaryong patuloy na lumalaban na magsisuko na rin sa mga Amerikano.
Kung multong patuloy na isinusumbat ng kasaysayan sa pagkatao ni Gen, Emilio Aguinaldo ang pagkamatay nina Andres Bonifacio noong Mayo 10, 1897 at ni Gen. Antonio Luna noong Hunyo 5, 1899, kadakilaan naman ang pinatunayan ni Gen. Luciano San Miguel nang buhayin nito ang Katipunan at magtangkang ipagpatuloy ang rebolusyon laban sa America noong panahong karamihan sa mga pinuno ng pag-aaklas ay tumalikod na sa paghahangad ng kalayaan.
Ipinanganak si Gen. Luciano San Miguel noong Enero 7, 1875 sa Noveleta, Cavite. Siya ang panganay at nag-iisang anak na lalake ng mag-asawang Regino San Miguel at Gabriela Saklolo. Nakapagtapos siya sa Ateneo de Manila at nakahanda nang magpakasal sa kasintahan niyang si Maria Ongcapin nang pumutok ang himagsikan noong 1896 kung kaya sa edad na 21 taong gulang ay sumapi siya sa pangkat ng mga Magdiwang sa Nobveleta na kinabibilangan nina Artemio Ricarte, Diego Mojica at Mariano Alvarez. Nabigyan ng ranggong Colonel si San Miguel at namuno sa pakikipaglaban ng mga Katipunero sa Nasugbu, Batangas . Ika-25 ng Marso, 1897 nang sumanib si San Miguel sa pangkat nina Gen. Artemio Ricarte at Gen. Emilio Aguinaldo sa Imus upang salakayin ang mga Kastila sa Cavite Viejo at San Francisco Malabon. Hindi naisakatuparan ang pagsalakay subalit nang sinundang araw ay pinamunuan ni San Miguel kasama ang mga tauhan ni Andres Bonifacio at Gen Julian Montalan ang mga sundalong Kastila sa barrio Bacao, San Francisco de Malabon.
Nang isuko ng mga Magdalo ang pakikipaglaban sa mga Kastila kay Gobernador Heneral Primo de Rivera noong Disyembre, 1897 ay ipinagpatuloy pa rin ni Gen Luciano San Miguel ang pakikipaglaban. Pinamunuan niya ang pangkat ng mga rebolusyunaryo sa Gitnang Luzon hanggang nang muling magbalik si Gen. Aguinaldo upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila. Tauhan ni Gen. San Miguel ang unang napatay sa tulay ng San Juan nang sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Ika-4 ng Pebrero, 1899. Ipinagpatuloy ni Gen. Luciano San Miguel ang pakikipaglaban sa mga Amerikano kahit pa isa-isa nang nagsisuko ang mga pinuno ng rebolusyon gaya nina Gen. Emilio Aguinaldo, Gen. Vicente Lukban at Gen. Miguel Malvar. Binuo ni Gen. San Miguel ang “Bagong Katipunan” magmula 1902 na naglalayong ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga Amerikano hanggang sa makamit ang kalayaan.
Bandolero o tulisan ang itinawag sa kanya ng mga Amerikano. Magiting niyang ipinagpatuloy ang pagapalaya ng bayan kahit pa karamihan sa mga datihan niyang kasama ay nagsisuko na at nakipagsabwatan na sa mga Amerikanong mananakop. Kasabay ng kanyang pakikipaglaban ang iba pang bayaning itinago ng mga history books na sinulat ng mga Amerikano gaya ng kabayanihan nina Macario Sakay, Felipe Salvador at ng dalawa pang Caviteñong sina Gen. Julian Montalan (na taga-Gen. Trias) at si Col. Cornelio Felizardo (na taga-Aniban, Bacoor)
Sumapit ang wakas ng pakikipaglaban ni Gen. Luciano San Miguel noong Ika-28 ng Marso, 1903. Habang nagsasalimbayan ang putok ng baril at isa-isang nanlalagas ang mga tauhan ni Gen. Luciano San Miguel ay narinig siyang sumisigaw nang “Ialay ang buhay para sa Inang Bayan! Ang kalayaan ay ang tunay na kaligayahan at karangalan”! Tatlong bala ang sunud-sunod na tumama sa kanyang katawan at kumitil sa magiting na Caviteñong heneral. Nang ang punit-punit na at tadtat ng balang watawat ng Katipunan ay masamsam, natagpuan ng mga sundalong Amerikano ang iba’t-ibang kasulatan na nag-uugnay sa paghihimagsik ni Gen. San Miguel at ng mga taga-suporta niya sa Maynila (“A Past Revisited”, Constantino p.259)
Marahil, kung tulad ni Gen. San Miguel ay namatay sa digmaan si Gen. Emilio Aguinaldo ay walang dudang siya na ang kikilalaning pambansang bayani ng kasalukuyang henerasyon. Subalit ang ginawa ni Gen. Aguinaldo na pagsuko sa mga Kastila sa Kasunduan sa Biac na Bato noong Disyembre 14, 1897 na inulit niya sa mga Amerikano noong Marso 23, 1901 ang nagpapababa sa kanyang pedestal bilang bayani. Ang kanyang pagdalo sa “Araw ng Kalayaan” noong Oktubre 14, 1943 “kalayaang” ipinagkaloob ng mga Hapones ay ang pangatlong pagkakataon ng kanyang pakikipagsabwatan sa mga dayuhan.
Malayung-malayo ang kabayanihan ni Gen. Luciano San Miguel sa naiambag ng Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Hindi kaya panahon nang kilalanin si Gen Luciano San Miguel at panahon na ring ipangalan sa kanya ang mahabang kalsadang tumatagos mula Coastal Road hanggang sa may boundary ng Tagaytay at Nasugbo? Maligayang paglalakbay sa Gen Luciano San Miguel Highway!

No comments:

Post a Comment

All Time Traffic