Ngayong araw ng Hulyo abente nuwebe (July 29) ay ipinagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng banal na magkakapatid na sina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro ng Betania
SANTA MARTA DE BETANIA
Sa Biblia una nating nakilala si Marta na taga Betania sa Ebanghelyo ni San Lucas. Tumuloy sa kanilang tahanan si Hesus at inilalarawan si Santa Marta na abalang-abala sa pag-eestima sa mga besita. Samantala, itinuro ni Hesus kay Marta ang higit na mahalagang dapat na pinag kaka-abalahan sa buhay ang pagpapayaman ng sarili sa Salita ng Diyos.
Lucas 10:38-42:
Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Jesus at dumaing, “Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”
Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya.”
Sa Ebanghelyo naman ni San Juan, higit na nagkaroon ng linaw ang pagkakakilala natin sa malapit na ugnayan ni Kristo kay Marta at sa kanyang mga kapatid. Muling bumalik si Hesus sa kanilang tahanan upang gawin ang isa sa mga dakila niyang himala. Ang pagbuhay sa kanyang kapatid na si Lazaro. Ituturo ni Hesus kay Marta ang katotohanan kay Hesus bilang ang Muling Pagkabuhay.
Juan 11:20-27:
Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.
Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus.
Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.
Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?
Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.
Naniniwala tayong sa mga aral na kanyang tinaggap mula sa Panginoon, siya ay isang alagad. Maaaring saksi sa iba’t ibang kaganapan sa buhay ni Hesus. Tularan natin ang kanyang pagsaksi, ang kanyang maluwag na pagtanggap kay Hesus sa kanyang tahanan at ang paniniwala kay Hesus bilang ang Muling Pagkabuhay.
SANTA MARIA DE BETANIA
Kapatid nina Lazaro at Marta. Nang si Hesus ay dumalaw sa kanilang tahanan, naupo siya sa may paanan nito upang makinig sa kanyang itinuturo. Nang magbalik si Hesus sa Betania na kung saan isang hapunan ang inihanda para sa kanya, kumuha si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok.
SAN LAZARO DE BETANIA
Si San Lazaro ay kapatid nina Marta at Maria na taga-Betania . Sila ay mga kaibigan ni Hesus.
Nang si Lazaro ay magkasakit, pinasabihan nina Marta at Maria si Hesus na ang Kanyang kaibigan ay may sakit subali’t hindi agad nagpunta si Hesus sa Betania. Si Lazaro ay namatay at apat na araw nang nakalibing nang si Jesus ay dumating. Naghimutok ang magkapatid na sina Marta at Maria kay Hesus at silang lahat ay nangagsitangis. Malaki ang pananalig ng magkapatid kay Hesus.
Kung kaya’t nagtungo si Hesus sa libingan ni Lazaro kahit sinabihan na ni Martang nangangamoy na ang patay. Doon nga’y nanangis si Hesus ayon sa banal na kasulatan sa sobrang pagmamahal sa kaibigan at matapos manalangin ay iniutos Niyang alisin ang batong nagpipinid sa yungib at Siya ay sumigaw, “Lazaro, lumabas ka.” Lumabas nga si Lazaro na may balot pang mga kayo sa katawan. Ipinaalis ni Hesus ang mga naakabalot na kayo at pinahayo si Lazaro.
Ito ay isa mga dakilang himala ni Hesus na naging mitsa upang Siya at gayon din si Lazaro ay pagplanuhang patayin ng mga Hudyo.
Si Lazaro ay nabuhay pa nang matagal at naging Obispo.
No comments:
Post a Comment